Hinikayat ng isang health expert ang Pamahalaan na palawigin pa ang quarantine period ng mga biyaherong pumapasok ng Pilipinas at ipagbawal ang mga flights mula sa mas marami pang bansa dulot ng banta ng mas nakakahawang COVID-19 variant.
Ayon kay Dr. Tony Leachon, dapat ibalik ang 14-day quarantine period sa mga inbound travelers upang hindi makapasok ang Omicron Variant sa bansa.
Sa ngayon, ang mga biyaherong nagmumula sa mga “yellow list” countries at fully vaccinated laban sa COVID-19 ay sumasalang sa tatlong araw na facility-based quarantine sa kanilang pagdating sa bansa.
Pagsapit ng ikatlong araw ay isasailalim sila sa COVID-19 test at kapag nagnegatibo sa swab test ay papayagan na itong umalis ng pasilidad.
Iginiit pa ni Leachon na dapat ring iprayoridad ang pag-ban sa mga biyahero mula hong kong matapos madiskubre ang mataas na kaso ng Omicron doon. —sa panulat ni Hya Ludivico