Posibleng tanggalin na ng Department of Agriculture o DA ang quarantine sa mga lugar na naapektuhan ng bird flu sa San Luis Pampanga.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol nalinis na nila mula sa bacteria ang lugar at napatay na ang mga manok at kauri nito na kinapitan ng bird flu.
Pagdating aniya ng ika-21 araw, maglalagay sila ng mga ibon o manok sa lugar at sakaling walang makitang sintomas ng bird flu ay tatanggalin na ng tuluyan ang quarantine.
“Kung hindi na magpapakita ng palatandaan sa area na paglalagyan natin, after 35 days ili-lift na natin ang quarantine ban sa area pero hindi pa sila puwedeng mag-alaga sa ground zero until after 90 days, yung Jaen naman at San Isidro, Nueva Ecija, na-contain na natin, in fact nag-start na tayo ng culling operations.” Ani Piñol
Exports
Umiwas ang DA na kumpirmahin ang ulat na ipinagbawal na muna ng Japan, South Korea at Singapore ang pag-angkat ng manok at mga poultry products mula sa Pilipinas.
Sa halip, tiniyak ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ang lahat ng manok at mga produkto nito na nasa pamilihan ay ligtas kainin.
“We want to ensure the public that anything that is being sold in the market, manok, lahat ng produkto, safe yan, napaka-strict ng ating quarantine measures, hindi makakalabas sa area kasi binabantayan natin lalo kapag dressed chicken, so hindi po lulusot yan, so ang aking assurance, ang mga manok sa merkado, ligtas po yan, walang problema yan.” Dagdag ni Piñol
Umapela rin si Piñol sa publiko at sa media na iwasang iugnay agad sa bird flu ang anumang ulat na may namatay na itik o manok at iba pa.
Tinukoy ni Piñol ang inilapit na reklamo ng isang ginang sa media hinggil sa pagkamatay ng halos 20 nilang bibe sa Butuan City.
“Rather than go to the media right away and say na may bird flu kaya namatay ang sampung itik ko, it would be more prudent to first contact the local veterinarian, maraming sakit ang poultry at itik na fatal pero hindi naman delikado, kapag bird flu wipe out yan, sa isang araw, 1,000 o 2,000 ang mamamatay sa mga alaga mo.” Pahayag ni Piñol
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview