Itinuturong dahilan ng Lokal na Pamahalaan ng San Miguel, Bulacan, ang talamak na quarrying operations sa bundok ng Sierra Madre na nagresulta ng matinding pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan.
Matatandaang nalubog sa baha ang 49 na barangay makaraang manalasa ang bagyong Karding kung saan, limang rescuers ang nasawi dahil sa matinding pagbaha.
Ayon kay San Miguel Mayor Roderick Tiongson, ang bundok ng Sierra Madre ang dahilan kaya hindi dumirekta ang hagupit ng Typhoon Karding sa kanilang lugar kaya dapat itong pahalagahan, pangalagaan at protektahan maging ang iba pang kabundukan sa Pilipinas.
Naniniwala si Tiongson na sa gitna ng mga kalamidad sa bansa, ang kalikasan ang siyang sasalba o sasagip sa maraming buhay at ari-arian.