Nakatakdang imbestigahan ng Kamara ang quarterly na pagtaas ng singil sa tubig ng Maynilad.
Sa inihaing resolusyon nina Gabriela Party-list Emmi de Jesus at Arlene Brosas, inihirit nitong dapat na suspendihin ang ipinapataw na foreign currency differential adjustment na nagiging basehan ng taas-presyo sa tubig.
Ipinaliwanag ng dalawang mambabatas na dahil sa patuloy na pagbasura ng administrasyon sa polisiya sa water privatization ay mas lalong nababaon ang mahihirap sa pagbabayad ng tubig.
Nito lamang Setyembre ay inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang dagdag na singil para sa third quarter ng taon.
Kaugnay nito, nanawagan din ang isa pang mambabatas sa kanyang mga kasamahan sa Kamara at maging kay Pangulong Rodrigo Duterte na pigilan ang overcharging sa singil sa tubig.
Ayon kay Coop-NATCCO Party-list Representative Anthony Bravo, kailangan gawin ng Pangulo ang anumang legal remedies upang tutulan ang pagbabayad ng gobyerno sa Maynilad water services ng 3.4 million matapos na paburan ng court of arbitration ang kumpanya.
Nag-ugat ang usapin matapos na ilang beses na maharang ang taas-singil sa tubig mula 2013 hanggang 2017.
Binanatan pa ng mambabatas ang hirit ng Maynilad ng tariff hike gayong makikita sa annual report ng kumpanya na ang net income nito ng hindi bababa sa anim na bilyong piso kada taon.
—-