Ikinalungkot ni Queen Elizabeth ang mga pinagdaang inihayag ng kanyang apo na si Prince Harry at ang asawa nito na si Meghan sa interview ng mga ito kay Oprah Winfrey nitong linggo at nangakong pribadong pag-uusapan ang usapin kaugnay sa racist remarks sa anak nito na si Archie.
Ito ang inilabas na pahayag ng Buckingham Palace sa ngalan ni Queen Elizabeth nitong Marso 9 kung saan nakasaad na ikinalulungkot ng buong royal family ang pinagdaanan ng mag-asawa.
Matatandaang batay sa panayam kay Meghan at Harry, nakaranas ng racism ang kanilang panganay na anak habang ito ay nasa sinapupunan pa lamang sapagkat laman na umano ng usapan sa palasyo kung ano ang magiging kulay ng magiging anak niya.
Ayon pa kay Meghan, sumagi sa isip niya ang kitilin na lamang ang kanyang sariling buhay dahil sa mga naranasan sa ilalim ng royal family at dahil sa takot at pangamba para sa anak.
Dagdag naman ni Harry, pati umano ang kanyang ama na si Prince Charles ay itinakwil na siya at dama niyang na-tatrapped siya sa royal life.
Nilinaw naman ni Harry na hindi niya sinisisi ang kanyang lola na si Queen Elizabeth at malaki ang respeto niya rito, ang pinaka dahilan umano ng kanilang pag-alis sa palasyo ay ang kakulangan sa suporta at pagkaunawa.
Sagot naman ng Buckingham Palace sa inilabas nitong statement, palagi anilang mahal bilang miyembro ng royal family sina Harry, Meghan at ang anak nito na si Archie.—sa panulat ni Agustina Nolasco