Hindi basta-basta ang pagbibigay ng Medal of Valor sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o sa mga kagawad ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang ipinahayag ni Ret. Col. Ariel Querubin sa panayam ng programang Balita Na Serbisyo Pa sa DWIZ.
Si Querubin na dating Colonel ng Philippine Marine Corps at isa sa mga sundalong may pinakamaraming medalya na nakamit, ay recipient din ng Medal of Valor, ang pinakamataas na karangalan na iginagawad sa mga sundalo at pulis.
Ayon kay Querubin, taong 2000 nang nakuha niya ang naturang medalya, kasagsagan ng all-out war ng Dating Pangulong Erap Estrada laban sa Moro Islamic Liberation Front.
Ngunit, aniya, iginawad sa kanya ang Medal of Valor pagkatapos ng isang taon dahil dumaan sa masusing proseso ang pag gawad sa kanya ng naturang parangal.
“Dinaan ito sa masusing proseso dahil sabi nga hindi basta-basta ibinibigay itong medalya na to, inimbestigahan nila yung mga tao ko, inembistigahan nila yung ibang mga units dun, ang nag i-imbestiga yung mga intelligence units ng both the Armed Forces at saka yung iba na pwede nilang gamitin”, pahayag ni Querubin.
Sinabi ni Querubin na ang naturang parangal ay dapat irekomenda ng immediate superior hanggang makarating sa Pangulo dahil ang Pangulo ng Pilipinas ang magbibigay ng huling desisyon.
“Unang-una, ito nga ay irerekomenda dapat nung immediate superior mo na idadaan sa proseso by two channels kung tawagin nila, hanggang sa darating yan sa awards sa board of awards, Awards Board kung tawagin nila, pagkadating doon pag nakagawa na sila ng recommendation, dadaan din sa Chief of Staff, yung Chief of Staff dadaan nila sa SNB, SNB sa Presidente, so ang may final say Presidente”
Dinagdag rin ni Querubin na hindi pwedeng mag deklara ang Pangulo na gawaran ang sinumang sundalo dahil dapat sundin ang mabusising proseso.
“Hindi rin pwedeng gagawin na yung Presidente ang magsasabi na gawaran ninyo kase hindi naman din yun ang procedure nun, so dadaan yan sa baba paakyat hanggang sa makarating sa Presidente”
Benepisyo ng nagawaran ng Medal of Valor
Sinabi ni Querubin na ayon sa Republic Act No. 9049, maaaring makatanggap ng lifetime tax-free allowance ang magagawaran ng Medal of Valor na nagkakahalaga ng P75,000.00 kada buwan. Hindi pa kasama rito ang retirement pay at iba pang benepisyong nakukuha ng isang nag-retirong sundalo.
Kabilang rin sa mga benepisyong matatanggap ng isang Medal of Valor recipient ay ang free hospitalization, libreng pag-aaral para sa nakatanggap ng medalya at mga benebisyaryo nito simula elementarya hanggang Kolehiyo sa pampubliko o pribadong paaralan o unibersidad; 20% discount sa transportasyon, mga bilihin at mga gamot; at marami pang iba.
Querubin, hindi tutol sa pagbibigay ng Medal of Valor to SAF44, pero, dapat idaan sa proseso
Sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga naulila ng SAF 44 hinggil sa pagbibigay ng Medal of Valor, sinabi ni Querubin na sa pagkaka-intindi nya ay titignan ng gobyerno kung posibleng mabigyan ng Medal of Valor ang naturang mga pulis. Ibig sabihin ay pag-aaralan pa rin ng gobyerno kung makakapasa ang mga napaslang na pulis sa mahigpit na panuntunan ng pagbibigay ng pinakamataas na medalya.
Ang SAF o Special Action Force ay isa sa mga special units ng PNP at syang lumalaban sa mga urban terrorism.
Binigyang-diin ni Querubin na hindi sila tutol na bigyan ng naturang medalya ang SAF44 pero tama lang na pag-aralan muna at idaan sa proseso ang sinumang sundalo o pulis na nais gawaran ng parangal.
Dagdag pa niya, kung hindi ito dadaan sa masusing proseso, magiging malaking problema ito hindi lamang sa PNP pati na rin sa AFP dahil marami na ring nag-buwis-buhay na mga sundalo at pulis na hindi nabigyan ng kahit anumang medalya.
Wala pang IRR ang Batas na Nagtatakda sa Medal of Valor
Ilang taon na rin ang lumipas mula nang maisabatas ang pagbibigay ng Medal of Valor, pero, hanggang ngayon ay wala pang nagagawang gabay o Internal Rules and Regulations ang Kongreso sa pagpapatupad ng mga probisyon ng batas, lalo na sa pagbibigay ng mga benepisyo sa mga awardee. Kaya ang nangyayari, kanya-kanyang IRR ang mga tanggapan ng Pamahalaan sa pagpapatupad ng batas hinggil sa Medal of Valor.
Kaya kapag walang IRR ang isang tanggapan, halimbawa ay Department of Health o Department of Trade and Industry, hindi makakakuha ng 20% discount ang isang Medal of Honor awardee sa mga gamot at bilihin. Kinakailangan pang magdala ng mga pruweba ang sundalo o pulis na recipient nga siya ng Medal of Valor upang mabigyan ng 20% discount.
By: Race Perez
Credits to: Balita Na Sebisyo Pa program of DWIZ mapapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido