Sinuspende na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang klase sa lahat ng libel ng pribado at pampublikong paaralan sa lunsod sa araw ng Lunes, July 25, 2022.
Sa bisa ng nilagdaang Executive Order 18 ng Alkalde, pansamantalang kinansela ang pasok bukas sa mga paaralan sa Lunsod ng Quezon upang mabigyang daan ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na gaganapin sa Batasang Pambansa Complex.
Nakasaad din sa E.O. 18, na kinailangang ipagpaliban muna ang klase doon dahil tiyak na maaapektuhan ang mga residente at mga estudyante ng road closure implementation dahil sa idudulot nitong matinding trapik sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Samantala, una nang binigyan ng permiso ng Local Government Unit ang Bagong Alyansang Makabayan at mga kaalyado nitong organisasyon na makapagsagawa ng kilos protesta sa Commonwealth Avenue.
Ginawa ng QC LGU ang desisyon makaraang hindi pahintulutan ang militanteng grupo na makapagsagawa ng pagkilos sa kahabaan ng Batasan Road.
Kaugnay nito, inilagay na sa lockdown ang Batasang Pambansa Complex bilang bahagi ng security measures at paghahanda para sa SONA ni Pang. Marcos bukas.