Humingi ng paumanhin ang Quezon Provincial Police Office sa nagawang pagkakamali ng kanilang mga tauhan mula sa Lucban Municipal Police Office.
Ito’y makaraang ulanin ng mga puna at batikos sa social media ang naging post ng naturang himpilan ng pulisya dahil sa pagiging sexist at victim blaming nito.
Batay sa inilabas na pahayag ng Quezon PNP, batid nila ang negatibong epekto ng naturang post na naglalayon lamang paalalahanan at protektahan ang kapakanan ng mga babae.
Magugunitang nakasaad sa naturang post ang paalala ng pulisya sa mga babae na huwag silang magsuot ng maiiksi kung ayaw nilang mabiktima ng panggagahasa.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Quezon Provincial Police Director P/Col. Audie Madrideo ang lahat ng kaniyang mga tauhan hinggil sa tamang cyber etiquette salig sa itinatadhana ng pnp code of conduct.