Mariing tinututulan ng Pamahalaang pang lalawigan ng Quezon ang pagpapatayo sa kontrobersyal na Kaliwa Dam.
Batay sa ipinalabas na resolusyon ng Provincial Board ng Quezon, binigyang kapangyarihan nito si Gov. Suarez na gawin ang anumang hakbang upang pigilan ang pagpapatayo sa nasabing Dam.
Ayon kay Suarez, bilang siyang ama ng lalawigan, inihahayag nito ang kanilang nagkakaisang pagtutol upang maitayo ang Kaliwa Dam dahil sa panganib na dulot nito sa kalikasan.
Hanggang siya ang Gubernador, sinabi ni Suarez na hindi niya hahayaang maitayo sa ilalim ng kaniyang pamumuno ang Kaliwa Dam na mag-aalis sa karapatan ng mga katutubong daang-taon nang nakatira ruon.
“Hindi ko gusto ‘yang Kaliwa dam. Ako’y kaisa nyo… at ‘pag itinuloy pa rin ang pagpapatayo nyan ay magkikita-kita kami sa korte,” pahayag ng gobernador sa harap ng mga kumokontra sa naturang proyekto, kabilang ang mga miyembro ng Save Sierra Madre network.
Sinuportahan naman ni Bishop Bernardino Cortez ng Prelature of Infanta na siyang nakasasakop naman sa hilagang bahagi ng Quezon at Aurora ang pagtutol na ito ni Suarez sa paniniwala nilang wawasakin nito ang Sierra Madre Mountain range na pangga ng bansa mula sa anumang bagyo.
“So you will understand that, by geography, our very survival depends on the care of our mountains, forests, rivers, protection of mangroves and seashores. We hope and pray that our people in this ‘Jubilee for the Earth’ will develop a new mindset and a paradigm shift in our care and use of the common home,” sabi ni Cortez.