Pinawi ng NCRPO o National Capital Region Police Office na terorismo ang dahilan ng nangyaring pagpapasabog sa Quiapo, Maynila noong Sabado na ikinasawi ng dalawa (2) at ikinasugat ng apat (4).
Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, walang indikasyon ng terorismo sa pangyayari lalo’t isang tao lamang aniya ang target ng pagpapasabog.
Sinisilip na rin ng pulisya ang lalaking nagdala ng package na sakay ng motorsiklo na iniabot sa isang caretaker na driver ng Grab express na kapwa nasawi sa insidente.
Posible rin aniyang magkaugnay ang ikalawang pagsabog na nangyari pasado alas-8:00 ng gabi, hindi kalayuan sa pinangyarihan ng unang pagsabog na nangyari naman dakong mag-aalas-6:00 ng gabi noong Sabado.
Sa panayam ng DWIZ sinabi rin ni Philippine National Police o PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente kung saan ang tinitignang anggulo ay personal na away.
Ayon kay Dela Rosa, patuloy ang pag-locate nila sa isang babaeng nagngangalang Hanna na siya umanong nagpa-book ng Grab para i-pick up ang isang delivery sa isang sangay ng mall.
Aminado man na medyo nagkulang sila sa pagkalap ng intelligence reports ay tiniyak ni Dela Rosa na nananatiling nakaalerto ang pulisya para mapanatiling tahimik ang mga lugar sa bansa.
By Jaymark Dagala | AR | Ratsada Balita (Interview)
Quiapo blast hindi act of terrorism—PNP was last modified: May 8th, 2017 by DWIZ 882