Nagsimula nang maghanda ang Quiapo Church para sa pagdaraos ng tradisyunal na simbang gabi habang nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Inaasahan ng pamunuan ng simbahan na madami ang dadalo sa simbang gabi lalo pa’t nasa maluwag na alert level ang rehiyon.
Ayon sa church leader, mahigpit na ipatutupad ang health protocols sa loob ng simbahan habang hinihintay ang bagong guidelines mula sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Tanging mga fully-vaccinated ang kanilang papapasukin sa loob ng simbahan at hanggang 50% ng venue capacity at 70% naman ng outdoor venue capacity ang papayagan alinsunod sa polisiya ng IATF.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang schedule ng misa ay nakadepende sa alert status at desisyon ng LGUs.
Magsisimula ang Simbang Gabi sa darating na December 16 habang sa December 15 naman ng gabi ang anticipated mass para sa 9-day novena masses. —sa panulat ni Hya Ludivico