Hiniling ngayon sa Korte Suprema si Atty. Elly Pamatong na minsan na ring binansagang “Spike King” na maideklarang null and void ang pagkakahalal kay Pangulong Duterte sa Palasyo.
Sa limang pahinang quo warranto petition ni Pamatong, iginiit nito na na dapat ideklara ng Korte na null and void ang posisyon ng Pangulo, Pangalawang Pangulo at mga appointees ni Pangulong Duterte.
Depensa nito na iligal ang Certificate of Candidacy o COC ni Duterte dahil mismong ang Pangulo na aniya ang umamin noon na ang pagtakbo nito sa pagka-Pangulo ay walang aprubadong COC.
Ayon kay Pamatong, base sa record ng Comelec, bago pa ang May 9, 2016 elections, umatras si Duterte sa kanyang kandidatura bilang mayor ng Davao na sinundan ng paghahain nito ng COC sa pagka-Pangulo.
Paniwala ni Pamatong, hindi pa naglalabas ng pinal na desisyon ang Comelec sa COC ni Duterte nang kumandidato itong Pangulo.
Sa ilalim ng rules of court, ang maari lamang maghain ng quo warranto petition ay ang Solicitor General, mga public prosecutor, at ang sinumang indibidwal na napagkaitan ng kanyang posisyon sa gobyerno matapos itong okupahan ng iba.