Nakatakda nang pagbotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang quo warranto petition na inihain ng Solicitor General laban kay Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno sa Biyernes, Mayo 11.
Pero ayon sa isang source ng DWIZ, posilbeng siyam na mahistrado ang bumoto pabor, tatlo ang tutol at dalawa ang mag-abstain sa naturang petisyon.
Ito’y dahil umano sa paniniwalang nabigo si Sereno na isumite sa Judicial and Bar Council o JBC ang mga kinakailangang bilang ng kanyang Statements of Assets, Liabilities and Networth o SALN noong siya’y aplikante pa lamang sa naturang posisyon.
Subalit apela ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te sa publiko, hintayin ang magiging hatol ng mga mahistrado kay Sereno at iwasan ang paglikha ng samu’t saring ispekulasyon sa isyu.
Kasunod nito, patuloy na nagkakampo sa harap ng Korte Suprema sa Maynila ang mga tagasuporta gayundin ang mga kritiko ng nakabakasyong Chief Justice.
Pinangunahan ni DWIZ anchor at WCC o Citizen’s Crime Watch Legal Committee Chairman Atty. Ferdinand Topacio ang grupo ng mga kontra Sereno at ipinanawagan ang pagbibitiw nito sa puwesto sa ngalan ng delicadeza.
Pero panawagan naman ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo na sumusuporta kay Sereno, dapat igiit ng publiko ang paninindigan nito laban sa mga mahistrado ng High Tribunal na ginagamit ang kanilang kapangyarihan para paglaruan ang batas.
(Ulat ni Bert Mozo)