Maaari ding gamitin ni Ousted Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang Quo Warranto Petition para mapatalsik ang itatalagang kapalit niya at bagong punong mahistrado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ng isa sa abogado ni Sereno at Dating Solicitor General na si Florin Hilbay.
Ayon kay Hilbay, isa lamang ang pahahain ng quo warranto petition laban sa magiging bagong punong mahistrado sa mga maaaring gawin ni Sereno para patunayang hindi naaayon sa batas ang pagpapatalsik sa kanya sa pwesto.
Posible aniyang gawin ito ni Sereno kapag nagpalit na ng administrasyon sa 2022 at mangyayari ang katulad na sitwasyong naranasan ni Sereno ngayon.
Magugunitang Mayo 11 nang mapatalsik si Sereno bilang chief justice matapos naman paboran ng walong mahistrado ng korte suprema ang inihaing quo warranto petition laban dito.