Nakatakdang talakayin ngayon ng Korte Suprema ang quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay sa pagsisimula ng summer session ng Supreme Court sa Baguio City.
Ayon sa isang Supreme Court insider, pagdedesisyunan muna ng mga mahistrado ang hurisdiksyon sa kaso bago talakayin ang resolution of merits ng petisyon.
Sa naging sagot ni Sereno sa quo waanto petition laban sa kanya, inihirit nitong ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Solicitor General dahil wala itong hurisdiksyon sa kaso at lumalabag ito sa one – year prescription sa paghahain ng kahalintulad na kaso.
Iginiit din nito na hindi sya maaring mapatalsik sa pamamagitan ng naturang kaso dahil lalabag ito sa itinatakda ng konstitusyon na maari lamang mapatalsik ang Punong Mahistrado sa pamamagitan ng impeachment.
Samantala bago ang magiging pagdinig, nauna nang umakyat sa Baguio City ang mga supporters ni Chief Justice Sereno para nagsagawa ng prayer vigil at candle lighting ceremony.
Ipinanawagan ng grupo na ibasura ang quo warranto petition laban kay Sereno dahil wala anilang sapat na batayan para tanggalin sa posisyon ang Punong Mahistrado.
—-