Wala na umanong bisa ang inihaing quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General o OSG laban kay Supreme Court Chief Justice on Leave Maria Lourdes Sereno.
Ito’y ayon kay retired Supreme Court Associate Justice Vicente Mendoza ay dahil sa lumagpas na sa itinakdang prescriptive period ang petisyon, salig sa Rule 66, Section 11 ng Rules of Court.
Nakasaad sa nasabing panuntunan na dapat ihain ang naturang petisyon, isang taon mula nang maupo bilang punong mahistrado si Sereno o sinumang mahistrado ng High Tribunal.
Ipinunto pa ni Mendoza na lubhang magkaiba ang usapin ng SAL-N o Statement of Assets, Liabilities and Networth na ibinabato kina Sereno at kay yumaong dating Chief Justice Renato Corona.
Hindi aniya requirement ng JBC o Judicial and Bar Council ang SAL-N para sa pagpili ng Chief Justice at sa katunayan aniya ay sa pahayagan lamang ito inanunsyo ng JBC at wala sa kanilang rules.
—-