Namahagi ang United States Export Control and Related Border Security Program ng dalawampung (20) bagong personal radiation detectors sa Bureau of Customs o BOC na nagkakahalaga ng mahigit 1 milyong piso.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, malaki ang maitutulong ng mga naturang kagamitan sa pagpapatupad ng kanilang mandato lalo na’t nakararanas ang Pilipinas ng matinding problema sa iligal na droga at terorismo.
Batay sa pahayag ng EXBS, ang kanilang mga ibinigay na radiation detectors ay para makatulong sa pagpapalawig ng kapasidad ng BOC na matukoy ang presensya ng anumang nuclear at radioactive na mga kagamitan sa mga kargamento.
Nauna rito, nagsagawa ang EXPS ng apat na araw na international seaport interdiction training sa mga kawani ng BOC noong nakaraang linggo.
‘Fully-automated system’
Target ng Bureau of Customs na gawing “fully -automated” na ang sistema at mga proseso sa kagawaran.
Ito ang inihayag ni Customs Commissioner Isidro Lapeña sa kaniyang ika-100 araw sa puwesto.
Ayon kay Lapeña tututukan niya ang modernisasyon sa sistema ng ahensya upang matiyak na nasa oras ang pagproseso sa mga kargamento.
Naniniwala din umano siya na malaking tulong ito para tuluyan ng matuldukan ang talamak na katiwalian sa BOC.
Planong gamitin sa naturang proyekto ang 200 million US dollars na pautang ng World Bank.
Posible aniyang maisakatuparan ang full automation sa susunod na taon.
—-