Pumanaw na ang radio broadcaster na pinagbabaril ng hindi nakilalang mga salarin sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Dakong alas-2:00 ng hapon nang bawian ng buhay si Edmund Sestoso ng DYGB 91.7 FM bunsod ng mga tama ng bala sa dibdib, braso at hita.
Si Sestoso ay host ng daily block time program na “Tug-Anan” sa nabanggit na radio station.
Bagaman aminado si Lourdes Sestoso na nakatanggap ang kanyang asawa ng mga banta bago ang krimen, inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang motibo sa pamamaslang.
Samantala, bumuo na ng special task force para tumutok sa kaso ng pananambang at pagpatay kay Sestoso.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security Head Joel Egco, binuo ng Dumaguete City Police ang Special Task Force Sestoso para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente.
Pagpatay sa isa pang mamamahayag kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines ang pagpatay sa radio broadcaster na si Edmund Sestoso na naging pangulo ng N.U.J.P.-Dumaguete City chapter, Negors Oriental.
Iginiit ng NUJP ang katarungan para sa beteranong broadcaster na ikawalong mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng Duterte Administration.
Abril 30 nang pagbabarilin ng hindi nakilalang salaring lulan ng motorsiklo si Sestoso ng DYGB 91.7 FM at bagaman naisugod pa sa ospital, binawian din ng buhay ang biktima kinabukasan.
Naganap ang krimen tatlong araw bago ang komemorasyon ng World Press Freedom Day.
—-