Isa pang radio broadcaster ang patay matapos pagbabarilin sa Zamboanga del Sur, kagabi.
Kinilala ng Zamboanga del Sur Provincial Police ang biktima na si Elvis Ordaniza, reporter ng DXWO Power 99 FM sa bayan ng Pitogo.
Dakong alas-8:00 kagabi nang maganap ang pamamaril sa loob ng bahay ni Ordaniza.
Dalawang tama ng bala ng kalibre 45 sa dibdib ang tumapos sa buhay ng mamamahayag na napag-alaman na isang dating rebelde na nagbalik loob sa gobyerno.
Matagal ng tinututukan ng biktima ang mga istoryang may kaugnayan illegal drugs at illegal gambling sa naturang bayan.
Agad kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines ang pamamaslang habang inaalam na ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho o pagiging dating rebelde ng biktima ang motibo sa krimen.
By Drew Nacino