Mariing itinanggi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paratang na tinaniman nila ng ebidensya ang negosyanteng si Arnold Padilla sa isinagawang raid ng mga awtoridad sa bahay ng suspek sa Makati City.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni NCRPO Chief Police Director Guillermo Eleazar ang ganitong paratang ng pamilya Padilla ay ang kalimitang palusot ng kanilang mga nahuhuli.
Binigyang diin ni Eleazar na dumaan sa tamang proseso ang kanilang operasyon at wala silang nilabag na anumang karapatan.
Matatandaang bago ang nangyaring raid sa bahay ni Padilla, nag-viral ang video nito kasama ang kanyang kinakasama at mga body guard dahil sa pananakit sa isang traffic enforcer na sumita sa kanila.
“Lahat naman, halos lahat ng nahuhuli natin ay laging ganyan ang depensa, expected na natin ‘yan lalo na kung kukuha kayo ng abogadong de kampanilya talagang trabaho nilang maghanap ng reasonable doubt na ike-create, pero ang importante diyan nung nagsagawa tayo ng raid ay sinunod natin ang police operational procedure kaya nagsama tayo ng witnesses, merong barangay officials, at mga media mismo at sila ay nag-certify doon sa imbentaryo after mag-conduct ng search.” Ani Eleazar
Maliban dito, natuklasan din ng NCRPO na mayroong tatlumpung (30) blotter ang barangay na nakasasakop sa Magallanes Village kaugnay ng mga reklamo laban kay Padilla na kilalang siga sa kanilang lugar.
“Sa isang pamayanan ay hindi na katanggap-tanggap ang treatment niya sa ibang tao na pambabastos na at dinadaan sa pagiging arogante, pagiging mayaman, maraming security. Napag-alaman din natin na siya ang naging suspect sa pagpatay sa kanyang kapatid, dating may lisensya ang 5 baril niya pero ni-revoke ‘yan dahil nag-submit siya ng fake na drug test result nung ma-apply siya ng license to own and possess firearms, may kalokohan talaga ika nga.” Pahayag ni Eleazar
(Ratsada Balita Interview)