IKINALUGOD ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist ang pagkakahuli sa apat na indibidwal matapos salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Agriculture (DA) ang isang bodega ng bigas sa Bocaue, Bulacan noong Lunes, Pebrero 10.
Gayunman, iginiit ni AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones na dapat masampulan din ang mga may-ari ng bigas at warehouse sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12022 o mas kilala bilang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Aniya, hindi sapat na ang warehouse manager, dalawang kahera, at isang inventory officer lamang ang masasampahan ng mga kaukulang kaso.
Kasabay nito, nanawagan si Briones sa pamahalaan na magpatupad na rin ng maximum suggested retail price (SRP) sa mga imported na karneng baboy.
Paliwanag ng solon, sa ganitong paraan ay makakabawi ang mga local hog raisers.
Una nang inihayag ng NBI na nakatakdang sampahan ng mga kasong hoarding, adulteration, profiteering, untruthful labeling, at economic sabotage ang mga nahuli.
Samantala, kabilang sa mga nakikitang dahilan ni Briones kung bakit tumataas ang halaga ng karneng baboy ay ang African Swine Fever (ASF) noong mga nakaraang taon, pagkakaroon ng cooperative assembly, at iba pang mga aktibidad na aniya’y nagpapataas ng demand nito.