Ipinagmalaki ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkakaaresto nito sa 6 na suspek sa isang drug raid sa San Juan City.
Ayon kay NBI Forensic Chemist Felicisima Francisco, nasabat sa dalawang hiwalay na pagsalakay ang umaabot sa 890 kilograms ng methamphetamine hydrochloride o “shabu” at tinatayang nagkakahalaga ng 6 bilyong piso.
Nahaharap sa drug charges ang mga Chinese national na sina Shi Gui Xiong, Che Wen De, at Wu Li Yong, at gayundin ang mga kasabwat nilang Pinoy na sina Abdullah Mahmod Jahmal, Salim Cocodao Arafat at Basher Tawaki Jamal.
Bukod sa shabu, nakasamsam din ang NBI ng 40 kilograms ng caffeine at 40 grams ng epidrin na kilalang ginagamit bilang stimulant at pain reliever.
Sinabi ni Francisco na base sa imbestigasyon nila ay posibleng hinahaluan ng drug syndicate ng caffeine ang ginagawa nilang shabu.
Kasunod nito, pinuri rin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang NBI dahil sa matagumpay nitong pagkakatimbog sa tatlong Pinoy at tatlong Chinese nationals sa isang drug raid sa San Juan City.
Isinagawa ang pagsalakay sa isang drug laboratory sa Mangga Street sa nabanggit na lungsod.
Sa isang press conference, sinabi ni Aguirre na ito ang pinakamalaking accomplishment ng NBI sa giyera ng Duterte administration laban sa iligal na droga.
Ayon kay Aguirre, dahil sa crackdown laban sa illegal drugs ay anim hanggang sampung milyong piso na ang halaga ngayon ng kada kilo ng shabu.
By Jelbert Perdez