Kasado na ang pagkilos ng mga militanteng grupo sa pangunguna ng BAYAN o Bagong Alyansang Makabayan sa araw ng inagurasyon ni US President-elect Donald Trump sa Biyernes, January 20.
Ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes, kasabay ng kanilang pagkilos dito sa bansa ang panawagan din ng mga Pilipinong nasa Amerika kay Trump na itigil na ang panghihimasok sa mga usaping kinasasangkutan ng Pilipinas.
Sinabi sa DWIZ ni Reyes na layon din ng kanilang pagkilos na tiyaking mababantayan ang magiging relasyon ng Pilipinas at Amerika kapag tuluyan nang nakapuwesto si Trump.
Bahagi ng pahayag ni BAYAN Secretary General Renato Reyes
Samantala, kinontra ng grupong BAYAN ang umano’y pagkakapareho nina Pangulong Rodrigo Duterte at US President-elect Donald Trump.
Sinabi sa DWIZ ni BAYAN Secretary General Renato Reyes na batay sa reklamo ng mga Pilipino sa Amerika, si Trump ay isang racist, anti-Muslim at anti-immigrants taliwas aniya sa pagkatao ng Pangulong Duterte.
Maaari aniyang ang posibleng pagkakapareho ng dalawang Pangulo ay pagiging kontrobersyal ng kanilang pananaw sa iba’t ibang usapin.
Bahagi ng pahayag ni BAYAN Secretary General Renato Reyes
By Judith Larino | Credit to: Balitang Todong Lakas (Interview)