Rosemarie Trangia with son Ralph Trangia, suspect in the hazing slay of Horacio Castillo back in Manila @dwiz882 pic.twitter.com/qfAzpcuMTI
— raoul esperas (@raoulesperas) October 10, 2017
Dumating na sa bansa ang isa sa mga itinuturing na pangunahing suspek sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Alas-11:40 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA ang sinasakyang eroplano ni Ralph Trangia kasama ng ina nitong si Rosemarie na BR-271 Eva Air flight mula sa Taipei, Taiwan.
Sumalubong ang mga kagawad ng homicide section ng Manila Police District o MPD, Immigration personnels at ilang NBI officials sa pagdating sa bansa ni Trangia.
Layon nito na maimbitahan sa MPD si Trangia upang ibigay ang kanyang panig sa kaso.
Gayunman, ayon sa MPD, may karapatan si Trangia na tanggihan ang imbitasyon at sagutin na lamang ang mga katanungan sa preliminary investigation ng Department of Justice.
Kabilang si Trangia sa mga opisyal ng Aegis Juris Fraternity na nanguna umano sa initiation rites na ikinasawi naman ni Castillo.
Kasabay nito, ipinabatid ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na boluntaryo o kusang loob ang pagbabalik-bansa ni Trangia kasama ang ina.
Sinabi rin ni Aguirre na handa silang bigyan ng seguridad si Trangia kung hihilingin nito.
Nagkasa rin ng security preparations ang Bureau of Immigration sa pagdating sa Pilipinas ng mag-inang Trangia.
Matatandaang pumuslit palabas tungong Amerika si Trangia kasama ang kanyang ina ilang araw matapos na pumutok ang balita sa pagkamatay ni Castillo.
(Ulat ni Raoul Esperas)