(11 AM Update)
Lumakas ang bagyong ramil at isa na ngayong tropical storm habang kumikilos pa-kanluran ng West Philippine Sea sa bilis na 16 kilometro kada oras.
Huling namataan ang bagyo sa layong 365 kilometro kanluran ng Coron, Palawan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras at pagbugsong papalo ng hanggang sa 80 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, asahan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa bahagi ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at Central Luzon dahil na rin sa pagsasanib-puwersa ng bagyo at northeast monsoon.
Dahil dito, pinag-iingat ang mga residente sa nasabing mga lugar laban sa posibleng landslides at flashfloods.
Habang, makararanas naman ng mahina hanggang sa manaka-nakang malakas na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Mapanganib pa rin ang paglalayag partikular sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon dahil sa bagyo at northeast monsoon.
Wala nang nakataas na Tropical Cyclone Warning Signal sa bansa.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR mamayang gabi o bukas ng madaling araw ang bagyong Ramil.
—–