Pinagbigyan ng Sandiganbayan 1st Division ang kahilingan ni Senador Bong Revilla Jr. na payagan siyang madalaw ang kanyang ama na nasa ospital.
Maaari nang madalaw ni Revilla ang amang dating Senador Ramon Revilla Sr., anumang araw sa linggong ito sa pagitan ng alas-3:00 at alas-8:00 ng gabi.
Ayon kay Atty. Raymond Fortun, abogado ni Revilla, inaasahan ng pamilya Revilla na makukumbinsi ni Senador Bong ang kanyang ama na sumailalim sa MRI at mas marami pang pagsusuri.
“Gusto lang naman talaga nung anak na makita yung tatay niya kahit ilang oras, hopefully ay makumbinsi niya ito na mag-undergo ng MRI treatment kasi yung tatay po niya ay ayaw nang mag-pa MRI, hopefully ay makumbinsi niya.” Ani Fortun.
Apela ng ama
Una nang umapela si dating Senador Ramon Revilla Sr. sa kanyang abogado na humanap ng paraan upang makita at makapiling ang nakapiit na anak na si Senador Ramon Revilla Junior.
Ayon kay Atty. Raymond Fortun, abogado ng mga Revilla, halos maluha ang dating senador nang kausapin siya nito sa kabila ng panghihina matapos isugod sa ospital noong Sabado ng gabi.
Mahalaga aniya ang pagbisita ng nakababatang Revilla upang manumbalik ang lakas ng 88-anyos na si Don Ramon lalo’t maselan ang kondisyon nito sa Saint Luke’s Medical City sa Global City sa Taguig.
Napag-alaman ng mga doktor sa Saint Luke’s na mayroong metabolic encephalopathy secondary to dehydration na isang uri ng brain disorder at pneumonia o sakit sa baga si Don Ramon.
Inihayag naman ng medical expert na si Dr. Anthony Leachon, Pangulo ng Philippine College of Physicians, dapat ng ipangamba ang sakit ni Revilla lalo’t 88-anyos na ito.
Para aniya sa ilang kaso ng severe pneumonia, kadalasang nagkakaroon ng metabolic encephalopathy ang pasyente, na nakamamatay kung ang impeksyon mula sa baga ay umabot na sa daluyan ng dugo na posibleng maging sanhi ng sepsis.
By Drew Nacino | Kasangga Mo Ang Langit | Len Aguirre | Jill Resontoc (Patrol 7)