Sinampahan ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre ng patung-patong na reklamong cyber-libel sa Manila Prosecutors Office ang kolumnistang si Ramon Tulfo, mga opisyal at editor ng pahayagang Philippine Daily Inquirer.
Personal na inihain ni Aguirre ang 12 bilang ng reklamong cyber-libel na paglabag sa ilalim ng Republic Act 10175 at sampung bilang ng reklamong libelo na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code.
Nag-ugat ang reklamo sa serye ng mga column ni Tulfo na lumabas sa Philippine Daily Inquirer, Inquirer.net maging sa pahayagang Bandera.
Kasama sa inirereklamo ni Aguirre ang pagtawag sa kanya ni Tulfo ng manhid sa issue ng pagkamatay ng teenager na si Kian Delos Santos, panawagan ni Tulfo na humanap na ng papalit sa dating kalihim at paghilera sa kanya bilang isa sa mga opisyal kung saan nagkamali si Pangulong Duterte na inilagay sa puwesto.
Pinagbintangan din umano siya ni Tulfo na binawasan niya ang 50 million pesos na isinauli nina dating Immigration Commissioner Al Argosino at Michael Robles na nasangkot sa issue ng umano’y panunuhol ng negosyanteng si Jack Lam.
Bukod kay Tulfo, inireklamo rin sina PDI Board of Chairperson Alexander Prieto-Romualdez, President and CEO Alexandra Prieto-Romualdez, Inquirer Publications Chief Operating Officer Renato Reinoso, PDI Executive Editor Jose Ma. Nolasco, Opinion Editor Rosario Garcellano at apat na iba pa.
—-