Inamin ng Veteran Columnist at Special Envoy to China Ramon Tulfo na nabakunahan na siya kontra COVID-19 gamit ang Sinopharm vaccine.
Sa kanyang column, sinabi ni Tulfo na sekreto siyang nabigyan ng anti-COVID-19 vaccine noong Oktubre kasabay ang iba pang opisyal ng pamahalaan at ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Gayunman, tumanggi na itong tukuyin kung saan niya nakuha ang bakuna at pangalan ng mga opisyal na kasabay niyang naturukan.
Ipinaliwanag naman ni Tulfo na kaya siya nabigyan ng bakuna kontra COVID-19 ay dahil nag-aapply siyang maging isa sa distributor ng Sinopharm sa Pilipinas.
Dagdag ni Tulfo, mas gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na bakuna ng Sinopharm ang gamitin sa kanya, kanyang pamilya at maging kay Senator Bong Go.
Nais na rin aniya ng pangulo na mabakunahan noong nakaraang taon pero pinigilan ito ng kanyang mga adviser upang makaiwas na rin sa kontrobersiya.
Magugunitang noong nakaraang taon, binatikos ang lihim na pagpapabakuna ng mga tauhan ng PSG kahit wala pang inaaprubahang bakuna kontra COVID-19 ang Food and Drug Administration (FDA).