Pinababalik ng OCTA Research team sa gobyerno ang pagsasagawa ng random antigen testing sa mga pasahero ng pampublikong transportasyon sa bansa lalo na ang mga tren.
Sinabi ito ni OCTA Research fellow Dr. Guido David matapos kumpirmahin ng Department of Health kahapon na nakapasok na sa bansa Omicron Subvariant XBB at variant XBC.
Ayon kay David, dapat ibalik ng DOH ang ginawa nito noong Enero na pagsasagawa ng random testing upang matukoy ang mga positibo sa COVID-19.
Bagaman hindi ganoong tumaas ang kaso, sinabi ng eksperto na mahalaga ang random testing upang mapigilan ang nagbabadyang pagtaas ng hospitalization dahil sa bagong variants.
Ang sintomas ng Omicron subvariant XBB at variant XBC ay lagnat, pananakit ng lalamunan, sipon, ubo at pananakit na katawan.
Maaari rin itong magdulot ng pagsusuka, pagtatae na hindi karaniwan sa mga naunang variants ng COVID-19.