Dalawang bus driver ang nagpositibo sa shabu sa random drug test sa Parañaque Integrated Terminal Exchange.
Nagmula ang mga nagpositibo sa grupo ng 123 driver na sumailalim sa drug testing sa PITX, at nagmamaneho ang dalawa papuntang Cavite.
Kwento ng isa sa mga driver, naimpluwensyahan siya ng kanyang mga kaibigan nitong linggo, at nahihiya rin siya para sa kanyang pamilya.
Ayon naman kay Jason Salvador, Head ng PITX Corporate Affairs, kinumpiska na ang lisensya ng dalawang driver ng land transportation office at iniimbestigahan na ang mga nagpositibo.
Dagdag pa ng PITX, kung magpositibo muli ang dalawa sa confirmatory test ng Department of Health, masususpinde ng isang taon ang kanilang lisensiya at sasailalim sila sa rehabilitation. – sa panunulat ni Charles Laureta