Tumaas na ang ranggo ng Pilipinas sa latest COVID-19 recovery ranking ng Tokyo-based news magazine na Nikkei Asia.
Mula sa ika-103 na pwesto noong Oktubre, umangat na sa ika-57 ang pwesto nito sa November report ng Nikkei Asia ang Pilipinas kasama ang mga bansang Tajikistan, Norway, at Malaysia.
Matatandaang nasa ika-121 pwesto ang bansa noong Setyembre, ika-106 noong Agosto, at ika-108 naman noong Hulyo.
Ayon sa Nikkei, ang pagtaas ng ranking ng Pilipinas ay dahil sa nakuha nitong mataas na score sa infection management.
Gayunman, sinabi ng Nikkei na kahit na bumaba ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay nananatili naman sa 9% ang fatality rate kung saan ikalawa ito sa pinakamataas sa mundo batay sa our world in data.
Samantala, nanguna naman sa listahan ang Bahrain na nakakuha ng 73 puntos; sinundan ng kuwait na may 72; United Arab Emirates na may 70.5; Malta at Taiwan na may 69; China na may 68.5 puntos; Chile, Japan, at Saudi Arabia na may 68 puntos; at Uruguay na may 66 puntos.
Habang nasa pinakahuling pwesto naman ang Laos na nakakuha ng 22.5 points. —sa panulat ni Hya Ludivico