Nananatili ang Gilas Pilipinas sa ikatlong pwesto sa latest FIBA Asia power ranking na inilabas matapos ang submission ng final lineup para sa 2015 FIBA Asia Championship na gaganapin sa Changsa, China simula sa Setyembre 23.
Nangunguna pa rin ang titleholder na Iran, pumangalawa ang 15 time champion na China habang nasa ika-apat na posisyon ang Jordan at ikalima ang Chinese Taipei kahit pa bahagyang nabawasan ang puntos nito.
Umangat din ang Japan, Kazakhstan at Qatar habang bumaba ang ranking ng South Korea at Lebanon na ibinase sa kanilang performance sa mga nakalipas na regional tournament gaya ng William Jones Cup.
Samantala, malaki ang pag-asa ng Gilas na manguna sa Group B ng 2015 FIBA Asia Championship dahil pawang nasa labas ng top 10 ranking ang mga makakalaban na Palestine, Hong Kong at Kuwait.
By Drew Nacino