Tuloy-tuloy ang isinasagawang Rapid Damage Needs Assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO) ng Cagayan sa mga naapektuhan ng bagyong Maring.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Cagayan PDRRMO Col. Darwin Sacramed ay nagpadala na sila ng mga tauhan upang makita ang kabuuang epekto o pinsala sa lalawigan.
Handa rin umano silang magbigay ng tulong at maipagkaloob ang mga kakailanganin para sa mga apektadong residente.
Aniya, kapag nakumpleto na ang report ay agad itong ipadadala sa National Government para sa kaukulang aksyon.
Samantala, batay sa inisyal nilang datos, aabot sa mahigit P40M ang pinsalang iniwan ng bagyong Maring sa lalawigan ng Cagayan.