Bigo ang Rappler na patunayan ang artikulo nito kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go na idinawit sa umano’y panghihimasok sa procurement process ng bibilhing equipment ng Philippine Navy.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, binigyan sila ng bente kwatro oras ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maglabas ng matibay na ebidensyang magdiriin sana kay Go pero walang naipakita ang nasabing on line news agency.
Sa halip, ang inilantad anyang ebidensiya ay ang “marginal note” na hindi naman galing sa inaakusahang kalihim kundi mula kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ipinaliwanag ni Roque na mas napagtibay din ang kawalang batayan ng artikulo nang nagsalita na rin si Lorenzana na walang pangingialam na ginawa si Secretary Go.
Bukod sa D.N.D. Secretary, kinontra rin ni dating navy flag-officer in command, Vice Admiral Ronald Joseph Mercado ang ulat ng Rappler sa pagsasabing hindi pinanghimasukan 15.5 billion peso frigate acquisition project.