Ipinatatawag na ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Rappler Chief Executive Officer (CEO) Maria Ressa at dating reporter na si Reynaldo Santos Jr. upang sagutin ang mga reklamong may kaugnayan sa cybercrime.
Sa ipinalabas na subpoena laban kina Ressa at Santos, pinasisipot ang mga ito sa NBI Headquarters sa Ermita, Maynila at pinagsusumite ng ebidensya sa Lunes, Enero 22, 10:00 ng umaga.
Nag-ugat ang subpoena sa cybercrime complaint na inihain ng Chinese – Filipino businessman na si Wilfredo Keng na naging subject ng isang investigative report ng Rappler noong 2012.
Batay sa report ni Santos noong 2012, isasangla umano ni Keng ang kanyang itim na sports utility vehicle na Chevrolet suburban kay dating Chief Justice Renato Corona.
Ang SUV na may plakang ZWK 111, ay naka-rehistro sa land transportation office sa pangalan ng negosyante at bagaman inamin nito na pag-aari niya ang plaka, hindi naman siya ang nagmamay-ari ng sasakyan na ginamit ni Corona.