Inabwelto ng Court of Tax Appeals (CTA) ang journalist at Nobel Laureate na si Maria Ressa sa 4 counts of tax-related charges laban sa kanya at kaniyang media company na Rappler Holdings Corporation (RHC).
Ibinaba ng CTA First Division ang pasya matapos mapatunayang hindi nagkasala sina Ressa at RHC sa 3 counts of failure o kabiguan na magbigay ng tamang impormasyon at 1 count of tax evasion, na nagkakahalaga ng P70-M na halaga ng basic tax.
Sinabi ng Department of Justice (DOJ), na nagsampa ng mga kaso noong 2018, nabigo umano ang RHC na maghain ng value-added tax (VAT) returns para sa 3rd at 4th quarter at income tax return noong 2015, na paglabag sa section 255 ng Tax Code.
Inakusahan din ng DOJ na nilabag nina Ressa at RHC ang section 254 ng Tax Code, o ang pagtatangkang umiwas sa pagbabayad ng buwis.
Nabatid na naghain si Ressa ng “not guilty” sa mga kaso laban sa kanya at nagbayad ng piyansang P204,000 sa CTA noong 2020.