Photo Credit: Rappler
Nakapaghain na ng piyansa ngayong umaga si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa matapos na arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kasong cyber libel kagabi.
Matatandaang nagpalipas ng gabi si Ressa sa NBI matapos na hindi tanggapin ng night court sa Pasay City ang piyansa ni Ressa.
Dinakip si Ressa sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 46 na may petsang Pebrero 12.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Jeng na laman ng isang artikulo ng Rappler na may titulong “CJ using SUVs of Controversial Businessman.”
Tinutukoy sa naturang istorya ang pumanaw na si Chief Justice Renato Corona bilang CJ na noon ay nasa impeachment trial.
Itinanggi na ni Jeng ang alegasyon at hiniling sa Rappler na alisin ang artikulo pero naglabas pa ang online news site ng updated story noong 2014.
Samantala, nanindigan si Rappler CEO Maria Ressa na ipagpapatuloy ang kanyang trabaho.
Giit pa ni Ressa, isang paglapastangan sa hustisya ang pagdakip sa kaniya kaya’t maghahain aniya sila ng motion for reconsideration para patunayang walang katotohanan ang kaso laban sa Rappler at sa kaniya.
“My stay last night at the NBI really made me think what this is all about and to me it’s about two things: abuse of power and weaponization of the law. We will continue the fight in court.” Bahagi ng pahayag ni Ressa
Kinuwestiyon din ni Ressa ang oras ng pag-aresto sa kaniya.
Naniniwala ang mamamahayag na posibleng dinakip siya ng gabi para mahirapan silang makakuha ng mga dokumento ukol sa kaniyang kaso.
Kasabay nito, binigyang diin ni Ressa na kanila lamang ginagawa ang kanilang trabaho bilang isang mamamahayag at nanawagan sa publiko na huwag hayaang supilin ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang karapatan sa katotohanan.
“You have to express outrage like what I’m doing now. Press freedom is not just about journalists, it’s about the rights of every single Filipino for the truth.” Pahayag ni Ressa
—-