Kuha at Ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)
Agad na inaresto ng mga awtoridad si Rappler CEO at Editor in Chief Maria Ressa pagkalabas pa lamang ng arrival gate ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 galing California dakong alas-7:00 kaninang umaga.
Kasunod ito ng pagpapalabas ng warrant of arrest ng Pasig City Regional Trial Court Branch 265 sa kasong paglabag sa Anti-Dummy Law.
Agad ding inihatid si Ressa ng mga umarestong pulis sa Pasig City Police para sa dokumentasyon gayundin sa Pasig City Regional Trial Court para makapag-piyansa.
Batay sa Twitter post ni Ressa, ito na ang ika-pitong beses na paglalagak niya ng piyansa para sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Nag-ugat ang kasong paglabag sa Anti-Dummy Law at Securities Regulations Code laban kay Ressa at iba pang executives ng Rappler dahil sa umano’y pagsuway sa itinatakda ng konstitusyon sa foreign ownership.
Tinawag naman ni Rappler CEO Maria Ressa na isang uri ng paglapastangan sa hustisya ang muling pag-aresto sa kanya ng pulisya pagkarating pa lamang ng bansa kaninang umaga.
Muling iginiit ni Ressa, wala siyang ginagawang mali at hindi siya kriminal.
Gayunman, itinuturing aniya siyang isang kriminal.
Samantala, inilarawan naman ni Atty. Francis Lim, abogado ni Ressa bilang harassment ang pag-aresto sa kanyang kliyente.
Ayon kay Lim, hindi na nila ikinagulat at kanila na ring napaghandaan ang ipinalabas na arrest warrant laban kay Ressa.
Tiniyak naman ni Lim na hindi nito mapipigilan si Ressa sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang isang journalist.
—-