Tiniyak ni Rappler CEO Maria Ressa na kaniyang pananagutin ang pamahalaan dahil sa naging paglabag sa kaniyang karapatan matapos siyang maaresto sa kasong cyber libel.
Ayon kay Ressa, tanging hinihiniling lamang niya ay ang kanyang karapatan bilang isang Filipino at hindi special treatment kaugnay ng kanyang kinahaharap na kaso.
Binigyang diin ni Ressa, bikitima siya ng selective justice ng administrasyong Duterte.
Ginagamit din aniya ng pamahalaan ang batas bilang armas para takutin at i-harass ang mga kritiko ng administrasyon.
Iginiit naman ni Ressa na hindi tatanggalin ng Rappler ang kanilang istorya hinggil sa negosyanteng si Wilfredo Keng na pinag-ugatan ng kaso.
Rappler CEO Maria Ressa pinayuhan ng Palasyo
Pinayuhan ng Malakanyang si Rappler CEO Maria Ressa na maging isang babaeng kayang harapin ang isinampang libel case laban sa kanya at tigilan ang paninisi sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi inaabuso ng pamahalaan ang kapangyarihan nito bagkus si Ressa aniya ang umaabuso sa kanyang kapangyarihan bilang journalist.
Iginiit ni Panelo, ginagamit lamang ni Ressa ang kanyang mga kasamahan sa media para suportahan siya sa kanyang mga walang batayang akusasyon.
Sinabi pa ng kalihim, dapat na aniyang tigilan ni Ressa ang paggamit sa freedom of expression bilang armas laban sa pamahalaan.
Muli namang binigyang diin ni Panelo na walang kinalaman ang kasong tax evasion laban sa Rappler at kay Ressa sa kanyang trabaho bilang miyembro ng media.