Handa ang online news site na Rappler na dalhin sa Korte Suprema ang kanilang laban makaraang ipag-utos ng Securities and Exchange Commission o SEC ang kanselasyon sa kanilang rehistro.
Ayon sa mamamahayag at Chief Executive Officer ng Rappler na si Maria Ressa, nanindigan silang mali ang naging desisyon ng SEC na tanggalan sila ng lisensya dahil sa isyu ng foreign ownership.
Sa katunayan, binigyang diin ni Ressa na nagkasundo sila ng Omidyar Network na maaari itong umalis o mag-divest sa kanilang kumpaniya kung hindi na nito nagugustuhan ang kanilang ginagawa.
Magugunitang ang kasunduang ito ang siyang kinuwesyon ng SEC sa kanilang inilabas na desisyon batay na rin sa probisyon ng Philippine Depositary Receipts na inilabas ng Rappler sa Omidyar.
Hindi rin aniya sila kinuhanan ng anumang panig ng SEC hinggil sa usapin kaya’t malinaw aniyang may bahid ng pulitika ang naturang hakbang laban sa kanila.
—-