(Updated)
Sinampahan ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang online news site na Rappler.
Ang reklamo ay nag–ugat dahil sa hindi nabayarang buwis ng Rappler na aabot ng P 133.84 million noong 2015 kasama na dito ang income tax at value added tax.
Batay sa record ng BIR, bigo ang Rappler na magbayad ng income tax returns at value added tax na malinaw na paglabag sa sections 254 at 255 ng national internal revenue code of 1997.
Kabilang sa mga kinasuhan ang Rappler Holdings Corporation kasama ang presidente nitong si Maria Ressa at treasurer na si James Bitanga.
Sinampahan din ng kaso ang Certified Public Accountant na si Noel Baladiang ng RG Manabat and Company dahil sa paglabag sa section 257 ng tax code.
Ulat ni Bert Mozo (Patrol 3)
Malacañang
Welcome sa Malacañang ang paghahain ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue o BIR laban sa news online organization na Rappler.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nararapat lamang na singilin at papanagutin ang Rappler kung meron talaga itong mga hindi nabayarang buwis.
Dagdag ni Roque, ang pasasampa ng kaso sa Rappler ay pagpapatupad lamang ng isinasaad ng batas.
Sinasabing aabot sa mahigit 130 milyong piso ang hinahabol na gobyerno sa Rappler.
Samantala, tinawag namang harassment ng online news organization na Rappler ang pagsasampa ng kasong tax evasion ng BIR laban sa kanila.
Ayon kay Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa, hindi na sila nasorpresa sa nasabing hakbang ng gobyerno gayunman kanilang ikinagulat ang naging mabilis na pagkilos at pahahain kaso ng BIR.
Iginiit pa ni Ressa, walang saysay ang kaso at dapat suriing muli ng BIR ang kanilang datos dahil nakatitiyak aniya siya na nasa oras at tama ang ibinabayad na buwis ng kanilang news company na Rappler.
Sa katunayan aniya, nakatanggap pa ng papuri ang Rappler bilang top 500 corporate taxpayers mula sa Revenue Region 7.
Dagdag pa ni Ressa, nagsasayang lamang ng resources ang pamahalaan para lamang patahimikin at pigilan ang mga ulat na hindi pumapabor sa administrasyon.
Kasabay nito, tiniyak ni Ressa na nakahanda silang harapin ang nasabing reklamo at magpapatuloy pa rin sila sa kanilang tungkulin bilang mga mamamahayag.
By Krista de Dios