Naitabla na sa 2 – 2 ng Toronto Raptors ang serye ng Eastern conference semifinals ng NBA matapos na magwagi sa game 4 kontra Boston Celtics.
Nakuha ng NBA defending champion na Raptors ang ikalawang sunod na panalo at game 4 ng best of seven series laban sa Celtics sa score na 100-93.
Nanguna sa panalo ng Raptors si Pascal Siakam na nakakuha ng 23 puntos at 11 rebounds habang nakagawa naman si Kyle Lowry ng 22 punto, 11 rebound at 7 assist.
Ayon kay Lowry, bagama’t nakuha nila ang dalawang sunod na panalo at naitabla na nila ang serye, hindi pa rin sila maaaring magpakampante at kailangang mag-focus sa bawat laro.
Nakatakda ng muling magharap ang dalawang koponan sa game 5 ng Eastern conference semifinals sa Miyerkules, Setyembre 9, oras sa Amerika.