Nawalan ng kuryente ang buong bayan ng Rapu-Rapu, kabilang ang Batan Island, sa Albay.
Ito’y makaraang ipag-utos ng National Power Corporation (NPC) ang pagputol sa power supply sa bayan dahil sa kabiguan ng daan-daang mga konsyumer na bayaran ang inisyal na P15 milyon mula sa P32 milyon na unpaid bills sa Albay Power Energy Corp. (APEC).
Paliwanag ni APEC Institutional Relations & Customer Support Department head Lesley Capus, mahigit anim na raan lamang mula sa halos dalawang libong kustomer ang nakapagbayad kasunod ng ibinigay nilang apat na araw na pitch-in collection period o katumbas ng dalawang porsiyento ng kabuuang bilang ng kanilang mga konsyumer.
Unang nawalan ng power supply ang Batan Island at sumunod naman ang Rapu-Rapu.
Giit ni Capus, sapat na ang konsiderasyon at pagkakataong ibinigay nila sa mga APEC customers para sa bayaran ang kanilang obligasyon sa kompanya kaya’t kinailangan nilang putulin ang supply ng kuryente sa nasabing lugar.