IKINALUGOD ni Senate Committee on Health Christopher Chair at Sen. Christopher “Bong” Go ang ratipikasyon ng bicameral report na nagbibigay ng mandatory benefits sa health workers at non-health workers sa panahon ng national public health emergency.
Nabatid na in-adapt sa report ang magkakaibang probisyon ng Senate Bill 2421 at House Bill No. 10701 at inaasahang lalagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap na batas, kasunod ng bicam conference noong February 2.
Bilang author at co-sponsor ng SB No. 2421, pinasalamatan ni Go ang mga supporters ng bill at pinuri si Committee on Finance chair Sen. Sonny Angara sa pangunguna nito sa pamamagitan ng Senado.
“I thank Senator Angara at lahat na nag-file ng similar bills for prioritizing this measure. Sabi ko nga, hindi mababayaran ng kahit anuman ang buhay ng ating mga health workers, ngunit mahalaga ang batas na ito bilang pagkilala sa sakripisyo nila para sa ating bayan,” sabi ni Go.
Ang mga benepisyo sa ilalim ng reconciled version ay retroactively applied simula July 1, 2021 at mananatiling epektibo habang nasa ilalim ng public health emergency ang bansa. Applicable din ito sa susunod pang national public health emergencies, alinsunod sa deklarasyon ng Pangulo.
Sakop ng bill ang lahat ng public at private medical, allied medical at iba pang personnel, gaya ng security at janitorial staff members na naka-assign sa mga ospital, laboratoryo at medical o temporary treatment at monitoring facilities. Pinalawak din ito sa Barangay Health Workers at iba pang nakatalaga sa Barangay Health Emergency Response teams.
Bawat frontliner ay entitled sa monthly COVID-19 Risk Allowance na P3,000 para sa mga naka-assign sa “low risk” o non-public areas ng health facility; P6,000 para sa “medium risk” o public areas ng health facility; at P9,000 para sa mga “high risk” locations, gaya ng mga silid ng COVID-19 patients.
Magbibigay din ng karagdagang benepisyo ang gobyerno para sa frontliners sakaling sila ay magkasakit o mamatay.
Upang matiyak ang probisyon ng mga benepisyo, may kapangyarihan ang Pangulo na mag-reprogram, mag-reallocate at mag-realign ng unreleased appropriations at unobligated allotment sa ilalim ng Executive Department sa 2021 at 2022 General Appropriations Acts.
Samantala, bubuo ng ad hoc grievance board para tumanggap, mag-imbestiga, humatol at magrekomenda ng mga aksyon kaugnay sa anumang reklamo na may kinalaman sa mga itinakdang benepisyo.
Gayunman, hinikayat ng mambabatas ang executive department na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan, partikular sa health officials at government finance managers, upang matiyak ang pagkukunan ng pondo para sa tamang implementasyon sakaling maging ganap itong batas.
“Hangga’t kaya ng gobyerno, ibigay dapat ang mga benepisyong nararapat para sa ating mga HCWs. Kaya mahalagang mapaghandaan at mapag-aralan ito nang mabuti upang maimplementa nang maayos,” sabi pa ni Go.