Handa nang isiwalat ni RCBC-Jupiter, Makati Branch Manager Maia Santos-Deguito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee bukas ang kanyang nalalaman sa $81 million dollar international money laundering scheme.
Ipinahiwatig ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Deguito na ginawang sacrificial lamb ng RCBC o Rizal Commercial Banking Corporation si Deguito upang pagtakpan ang pagkakagamit sa kanilang bangko sa money laundering.
Ito ay sa harap ng anya’y harassment na tinatanggap ng kanyang kliyente.
Pinuna ni Topacio na agad sinuspindi si Deguito sa trabaho kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng RCBC subalit hindi ginalaw si RCBC President Lorenzo Tan na sinasabing nagapruba rin naman sa transaksyon.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Atty. Ferdinand Topacio
Dapat anyang suspendihin din ng pamunuan ng RCBC ang kanilang bank president na si Lorenzo Tan upang maiwasan ang “whitewash” habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Binigyang diin ni Topacio na bibigyang linaw ni Deguito ang lahat sa pagharap nya sa imbestigasyon ng senado bukas.
Malinaw naman aniya na ang may kasalanan sa nangyaring money laundering ay ang RCBC bilang isang institusyon at hindi ang isang hamak na branch manager lamang.
“Wala po tayong gustong pasabugin talaga pero ang commitment po namin ay sasabihin po namin ang buong katotohanan, ipaliliwanag po namin lahat ng paratang, ipakikita po namin na kung may kasalanan man ito’y kasalanan ng RCBC as an institution, dahil dumaan talaga yan sa pinakamataas na mga opisyales ng RCBC.” Pahayag ni Topacio.
Case vs DOJ, BI
Inihahanda na ng kampo ni Maia Santos-Deguito, Branch Manager ng RCBC Jupiter Makati ang kaso laban sa mga responsable sa pagpapababa sa kanila sa eroplanong patungo ng Japan.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Deguito, kakasuhan nila ng paglabag sa karapatang pantao at child abuse mula sa kalihim ng Department of Justice (DOJ) hangang sa mga commissioners ng Bureau of Immigration (BI).
Hindi aniya biro ang epekto ng ginawa ng Bureau of Immigration (BI) sa 10 taong gulang na anak ni Deguito.
Sinabi ni Topacio na hihingi rin sila ng civil damages sa eroplano dahil sa pagpapababa sa pamilya ng kanyang kliyente.
Una rito, inilagay si Deguito sa watch list ng BI dahil iniimbestigahan pa ito sa $81 million dollar money laundering na kinasasangkutan ng hawak niyang RCBC branch.
“Katulad po ng inamin ni Commissioner Geron, ang order daw po ay nanggaling sa DOJ at ito po ay kanilang ipinatupad, mula po sa kalihim ng DOJ hanggang sa commissioner ng Immigration, pati po ang 2 Immigration officials po, si Bautista at Gonzales, pati po ang kanilang Hepe.” Pahayag ni Topacio.
By Drew Nacino | Len Aguirre | Ratsada Balita