Iginiit ni RCBC-Jupiter, Makati Branch Manager Maia Santos-Deguito na walang rason upang harangin siya ng Bureau of Immigration (BI) na makabiyahe sa Tokyo, Japan.
Ipinaliwanag ni Deguito, na pasakay na sana sa PAL Flight PR 432 patungong Narita, Tokyo na magtutungo lamang siya sa Japan upang ipagdiwang ang kaarawan ng bunsong anak at nakatakda rin naman silang bumalik sa Martes.
Isa si Deguito sa mga pangunahing personalidad na inimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee upang magbigay linaw sa issue ng international money laundering.
Wala naman anyang inilabas na hold departure order laban sa kanya o kinakaharap na kaso o reklamo at hindi rin naman siya tatakas.
Sinasabing pinayagan umano ni Deguito na i-transfer ang 81 million dollars na ninakaw ng mga computer hacker mula sa US account ng central bank of Bangladesh na hinati sa limang accounts sa kanyang branch nang hindi man lamang binubusisi.
By Drew Nacino
Photo Credit: Raoul Esperas