Kinasuhan ng falsification of documents sa Makati Prosecutor’s Office ang RCBC Jupiter Branch Manager na si Maia Santos – Deguito.
Isinampa ng negosyanteng si William Go ang kaso laban kay Deguito dahil sa nabunyag na pamemeke nito ng lagda ni Go sa ilang bank documents.
Maliban kay Deguito, kinasuhan din ang dating Senior Customer Relationship Officer ng RCBC na si Angela Torres.
Giit ni Go, hindi niya alam ang mga binuksang bank accounts nila Deguito at Torres sa ilalim ng kanyang pangalan.
Pinasinungalingan din ni Go ang mga inihayag nila de Guito at Torres sa pagdinig ng senado dahil malinaw naman ang naging pagbubunyag ni Customer Service Head ng RCBC na si Romualdo Agarrado.
Magugunitang sinabi ni Agarrado na personal niyang nakita ang P20 milyong pisong cash na isinasakay sa kotse ni Deguito taliwas sa naunang pahayag nito na sa sasakyan ni Go naganap ang pangyayari.
Subpoena
Nagpalabas na ng subpoena ang Department of Justice o DOJ para kay RCBC Jupiter Branch Manager Maia Santos – Deguito.
May kaugnayan pa rin ito sa pagkakasangkot ni Deguito sa money laundering activities na nagkakahalaga ng 81 milyong dolyar.
Nakasaad sa kautusang ipinalabas ni Ass. State Prosecutor Gilmarie Fe Pacamarra, inaatasan nito si Deguito na magsumite ng kanyang kontra salaysay at iba pang dokumento.
Binigyang babala pa si Deguito na ikukunsiderang submitted for resolution na batay sa hawak na ebidensya sa kaso kung hindi tutugon dito ang kanyang kampo.
Itinakda naman ng DOJ ang preliminary investigation sa nasabing kaso sa Abril 12 at 19 ganap na alas-10:00 ng umaga.
By Jaymark Dagala | Bert Mozo (Patrol 3)
Photo Credit: Reuters