Naniniwala ang isang grupo ng mga health advocate na kinakailangan ng komprehensibong aksyon at re-calibration ng mga istratehiya ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Julie Caguiat, co-convenor ng Coalition for People’s Right to Health, balewala ang pagsasailalim sa isang lugar sa enhanced community quarantine (ECQ) kung wala naman komprehensibong plano ang gobyerno para tugunan ang pandemya.
Ipinunto pa ni Caguiat ang paggamit ng gobyerno ng “militaristic approach” sa halip na “medical approach”.
Kaya naman aniya hindi natugunan ang dapat sana noo’y nabigyan ng atensyon sa una palang pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Una rito, nanawagan ang grupo ng mga health worker na ibalik sa ECQ ang Metro Manila sa loob ng dalawang linggo dahil pagod na pagod na umano sila bunsod ng patuloy na pagdami ng pasyenteng may COVID-19.