Magpapatuloy ang mga ginagawang opensiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kontra sa tinaguriang communist terrorist group na mas kilala bilang New People’s Army (NPA).
Ayon kay AFP Spokesman Marine B/Gen. Edgard Arevalo, mula Hunyo 16 hanggang 23, nasa 10 NPA na ang kanilang napatay kabilang na ang isang opisyal nito sa Occidental Mindoro at miyembro ng tinaguriang Morong 43.
Nasa 22 naman ang bilang ng mga rebeldeng sumuko sa militar o di kaya’y naaresto sa mga ikinasang operasyon habang nasa 26 na mga armas, 4 na granada, 2 electronic devices at 6 na subersibong mga dokumento ang kanilang nasabat.
Nanindigan si Arevalo na hindi nila tatantanan ang mga komunistang terorista hangga’t hindi bumababa ang mga ito o di kaya nama’y nabubura sa mapa ng mundo.
Dahil dito, nagpatupad ng redeployment ang AFP mula sa mga itinalagang checkpoint upang maipagpatuloy ang kanilang ginagawang opensiba laban sa mga rebelde.