Patay ang isang re-electionist barangay captain matapos ang ikinasagang raid ng mga otoridad sa mismong bahay nito sa Calinan District, Davao City.
Kinilala ang nasawing kapitan na si Antonio Guatno ng Purok Kwatro, Barangay Pangyan, Calinan District.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Region 11, nagsilbi ng search warrant ang kanilang mga operatiba laban kay Guatno dahil sa hinihinalang may itinatago itong mga di lisensyadong baril.
Pahayag ng pulisya, habang hinahalughog ng mga otoridad ang bahay ni Guatno, bigla na lamang daw itong bumunot ng baril kaya’t inunahan na nila ito ng putok.
Sinubukan pa umanong dalhin sa Isaac Robillo Hospital ang kapitan ngunit idineklara ding dead on arrival.
Narekober ng CIDG 11 mula sa bahay ni Guatno ang isang 45 pistol at isang 9mm na baril.
Base sa search warrant na hawak ng mga operatiba, nagmamay-ari umano ang kapitan ng m14 at m16 armalite rifles at isang sub-machine gun.